5 - Patas ba ang mundo? Makisama para sa hustisya!
Sa mga nakaraang dekada, matuling nagbabago ang mundo. Hindi pa masyadong matagal ang nakakaraan, kung gusto mong makipag-komunikasyon sa isang kaibigang nasa kabilang panig ng mundo, magpapadala ka ng sulat at maaaring abutin ito ng ilang linggo para makarating!
Iba na ngayon. Mas madaling nakakakonekta ang mga tao mula sa buong mundo sa isa't isa. Maaaring simulan mo ang araw sa pagkain ng saging mula sa Ecuador at sa katapusan ng araw ay kausap mo ang kaibigan mo na nasa kabilang panig ng mundo: kung nakatira ka sa Europa, maaaring nasa Australia ang kaibigan mo! Malaking pagbabago ito sa buhay natin: mas maraming impormasyon, mas maraming komunikasyon, mas maraming palitan sa buong mundo. Tinatawag natin itong ‘interdependence’.”
Dahil sa interdependence, mas mahirap lutasin ang mga problema ng mundo. Dahil interconnected tayong lahat, kung ginamit ng isang bahagi ng mundo ang karamihan sa mga mapagkukunan (pagkain, gasolina para sa mga kotse, atbp.,), ang ibang bahagi ng mundo ay makukulangan. Ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay ay hindi lang mga lokal na problema ngunit pandaigdigan din at kailangang malutas nang magkakasama sa pakikipagtulungan.
Sa ngayon, may 30 milyong batang lumalaking mahirap sa mga pinakamayamang bansa sa mundo. Ang mga magulang nila ay maaaring walang sapat na pera para sa pagkain, damit, pabahay, mga laruan at materyales para sa eskuwelahan!
Hindi patas 'yan! Dapat nating baguhin ang sitwasyon! Kailangan ng mga bagong pagkilos para matapos ang mga labis na hindi pagkakapantay-pantay at kahirapan. Tayong lahat ay maaaring mamuhay nang magkakaiba sa pamamagitan ng mga pang-araw-araw na pagkilos. Dapat nating piliin ang dignidad at katarungan bago ang kahirapan at kawalan ng pagkakapantay-pantay.
Nagsimula nang magtrabaho ang mga ilang tao para gawing mas mahusay na lugar ang mundo para sa mga komunidad, pamilya at mga bata! Ang United Nations, isang internasyonal na organisasyong binubuo ng mga namununo sa mundo mula sa 193 bansa, ay nagkasundo sa 17 layunin para sa mas mabuting mundo sa pagsapit ng 2030.
Nakatuon ang Layunin nº10 na mabawasan ang hindi pagkakapantay-pantay at isinasaad nito na ang buhay na may dignidad ay dapat na taglayin ng lahat ng tao sa buong mundo. Karapatan ito ng tao, na nangangahulugang ito ay karapatang taglay ng lahat. Ang mga nasabing karapatan ay nakasulat sa Universal De clara tion of Human Rights, na naisalin sa mahigit 500 wika. Ito ay internasyonal na batas na binoto ng 48 bansang pabor dito noong 1948. Sa ngayon, ang mga simulain sa Universal De clara tion of Human Rights ay nakapaloob sa mga batas ng mahigit sa 90 bansa.
Nasasa-ating lahat na ngayon, mga pamahalaan, mga eskuwelahan at mga komunidad na magkasamang magtrabaho at bumuo ng mas mabuting kinabukasan para sa lahat. Makakatulong tayong lahat para masiguro na matutugunan natin ang Mga Pandaigdigang Layunin sa pagsapit ng 2030.
Ngunit, ano ang magagawa ng mga bata at mga eskuwelahan? Makakatulong ang mga eskuwelahang makamit ang mas mabuti at mas patas na mundo sa pamamagitan ng:
Hakbang 1. Magsimulang matuto pa tungkol sa mga kadahilanan ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay.
Hakbang 2. Kilalanin ang mga problema sa eskuwelahan mo at mas malawak na komunidad at magkasamang magtrabaho para maghanap ng mga solusyon para rito. Halimbawa, maaaring magsagawa ka ng debate sa silid-aralan tungkol sa kahirapan sa distrito ng eskuwelahan ninyo
Hakbang 3. Magbahagi ng mga ideya sa mga taong iba sa iyo, halimbawa, mga taong nakatira sa ibang lugar o iba ang edad. Kapag nakipag-ugnayan ka sa ibang tao, matutunang pahalagahan ang magkakaibang opinyon.
Hakbang 4. Kumilos at simulang baguhin ang mga sitwasyon ng kawalan ng hustisya sa inyong eskuwelahan at komunidad!
Maaari kang magmungkahi ng mga paraan para gawing mas bukas-palad ang eskuwelahan ninyo sa mga mag-aaral na bagong dating tulad ng pagkakaroon ng mga karatula sa mga sarili nilang wika.
Ang lahat ay maaaring maging bahagi ng paglikha ng mundong may mas higit na hustisya, pagkakapantay-pantay at karapatang-pantao para sa lahat.